Exalt: “Napakabuti Mo”
Empower: John 15:5-8; Matthew 7:17-20, 11:12-14, 20-21, Matthew 23:16-19; 37-38; Luke 13:6-9; Galatians 5:22-23
Abundant Fruitfulness
Juan 15:5 “Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin (MBBTAG).
Ang pamumunga (fruitfulness) ay karaniwang ginagamit sa Biblia upang ilarawan ang ninanais ng Diyos para sa mga tao. Ngunit, pansinin ang mahalagang pagkakaiba at pagbabago: ang larawan ng puno ng igos na karaniwang ginagamit sa iba’t-ibang bahagi ng Biblia bilang larawan ng kalagayan ng Israel; at ang “tunay na puno ng ubas” na pinagmumulan ng pamumunga dahil sa buhay na dumadaloy mula sa puno (i.e. ang buhay ni Cristo) patungo sa mga sanga. Hindi namumunga ang hiwalay kay Cristo.
Sa ilalim ng Lumang Tipan (Old Covenant), ang Israel ay binigyan ng Kautusan upang ipakita ang ganap na katuwiran ng Diyos. Ipinakita ng Kautusan kung ano ang tama at mali, ngunit, hindi nito nabagong ganap ang puso ng tao. Hindi siya nakitaan ng bunga. Maging ang Templo na siyang sentro sa buhay panambahan ng Israel ay nadungisan ng kasamaan at pagkukunwari (hypocrisy) ng mga itinalagang mamuno dito (i,e. Pharisees). Ang mga Pariseo na dapat sana’y magpagaan sa buhay ng mga Judio ang nagpabigat pa sa kanilang pasanin dahil sa sistema at mga alituntunin na kanilang ipinatutupad sa relihiyong Judaismo. Sila ay mga mapagpaimbabaw at umaasa sa sariling katuwiran upang maging katanggap- tanggap sa Diyos; sila ang mga bulag na taga-akay ng Israel. Pinupuri nila ang Diyos sa kanilang mga labi ngunit ang puso nila ay malayo sa Kanya. Ang ganitong kalagayan ng Israel (unfruitfulness) ay nagdulot sa kanila ng kapahamakan, panganib, at (eventually) pagkawasak ng kanilang Templo (in 70AD).
Dumating si Cristo upang palayain at bigyan ng kapahingahan ang lahat ng lumalapit sa Kanya. Nagpakilala Siya bilang puno ng ubas (the Vine), na pinagdadaluyan ng buhay upang magkaroon ng bunga ang mga sanga. Ito’y dahil sa pakikipag- isa kay Cristo sa ilalim ng Bagong Tipan (New Covenant; through His death, burial, resurrection, ascension and exaltation). Sa ilalim ng Bagong Tipan, wala nang kahatulan sa kasalanan; wala na ring maaaring humatol sa iyo, dahil nahatulan na si Cristo. Sa kabila ng paglabag (violations) sa kalooban ng Diyos, nananatili ang Kanyang Katuwiran na nasa iyo; kaya’t makakabangon at makakapagpatuloy ka sa buhay. [But, remember, His grace is not a license to sin.] May bago ka nang pagkatao; ang kalikasan mo ngayon ay matuwid at banal, kaya’t makapamamunga ka ng mabubuting bunga.
Ang bunga na dulot ng pananahan ng Banal na Espiritu sa buhay ng mga mananampalataya ay hindi pinipilit; kundi, kusa itong lumalabas at dumarami dahil ang mga sanga nito’y nakakabit sa puno. Hindi rin ito produkto ng sariling pagsisikap; kundi, bunga ng relasyon kay Cristo na patuloy na lumalago. Ito’y bunga ng pananatili sa Kanya at sa Kanyang mga Salita (renewing of minds through the Word). Habang higit nating nauunawaan ang Kanyang biyaya, higit tayong natututong magpahinga sa Kanyang natapos na gawain. At habang namumuhay tayo mula sa katotohanang ito, ang buhay ni Cristo ay lalong nakikita sa atin. Ang bunga ay hindi lamang nakabatay sa dami ng nagawa para sa Diyos, kundi sa dumadaloy na buhay ni Cristo sa bawat mananampalataya: mapagmahal, mapagpatawad, tapat, mapagbigay, matiyaga, masipag, maawain, at handang maglingkod. Ito ang masaganang pamumunga (abundant fruitfulness) – ang pagpapadaloy ng buhay ni Cristo sa ating buhay upang maging pagpapala sa iba at magbigay-luwalhati sa Diyos.
Elevate: Application Question:
1. Bilang naka-ugnay kay Cristo, buhay mo na ang magkaroon ng bunga; at hindi lamang bunga, kundi, masaganang bunga (Juan 15:8). Paano ito mangyayari sa personal mong buhay ayon sa iyong pang-unawa sa talakaying ito?